Pinagmulan ng Pangalang ng Bayan at mga Baryo

Pinagmulan ng Pangalang ng Bayan at mga Baryo


Carmona - ang Carmona ay nagmula sa pangalan ng opisyal na Kastila na nakaimpluwensiya sa pamahalaang Sentral sa paghihiwalay ng Latag at Silang.

Baryo Cabilang Baybay - sa panahon ng Kastila ang lugar na ito ay isa lamang sityo na pinaninirahan ng ilang pamilya. Kubo lamang ang kanilang tahanan at pagsasaka ang kanilang ikinabubuhay. Sa simula ay walang pangalan ang lugar na ito. Upang may pakakilanlan ang Cabeza de Barangay ay humarap sa hukuman at nagmungkahing tawaing Cabilang Baybay sa dahilang ito ay nasa baybayin ng ilog at sa kabilang panig ay bukirin. Ang kahilingan ay pinagtibay ng noo'y Gob. Heneral Leonard Wood.

Baryo Bancal - maraming panahon ang nakalipas ang lugar na ito ay halos gubat na ang karamihang punongkahoy at tinatawag na "Bancal". Ito ay kulay dilaw at mahusay na kahoy sa pagtatayo ng bahay at panggatong. Halos lahat ng naninirahan dito ay may bahay na yari sa bancal. noong panahon ng Hapon, ang ikinabubuhya ng mga tao rito ay pamumutol ng panggatong at ipinagbibili sa mga panaderya. Dahil sa mahalagang idinulot ng kahoy na ito, ang baryo ay tinawag ng Bancal.

Baryo Maduya - Ang Maduya ay ang pinakamalaking baryo sa munisipyo ng Carmona. Ito ay nasa silangang bahagi ng bayan na may isang kilometrong haba ng pambansang lansangan patungong Binan, Laguna ay dito naglalagos. Ito ay may anyong kapatagan na naging sanhi upang ang pagsasaka ay ang maging pangunahing hanapbuhay ng mga naninirahan dito. Sa kasalukuyan ay matatagpuan dito ang mga pabrikang nakapagpaangat sa kabuhayan at katayuan ng mga mamamayang taga Carmona.

     Sa pasimula, ang Maduya ay isa lamang sityo ng Baryo Latag. Limang bahay lamang ang nakatayo na pinaninirahan ng labindalawang pamilya. Noong matamo ng Carmona ang pagiging bayan ng sityong ito ay naging baryo. Ang katawagang Maduya ay nagmula sa "Maruya", isang kakanin mula sa giniling na bigas (galapong) na may kasamang hiniwang saging na saba na pinipritong magkasama at hinahain bilang meryenda. Karamihan sa mga tagarito ay nagluluto nito at inilalako sa buong bayan na isinisigaw ay "Maruya". Sa kalaunan ang mga naglalako ay isinisigaw ang "Maduya" na siyang naging pangalan ng baryo.

Baryo Lantic - sa gawing kanluran ng kabayanan ng Carmona matatagpuan ang Baryo Lantic. Sangayon sa matatanda sa pook na ito, ang lugar na ito'y dating madawag. Ilang taga-Silang ang nagpasiyang linisin ang lugar na ito at magtayo ng bahay at ariing kanila ang pook na ito. Di naglaon, napgkasunduan nila na bigyan ng pangalan ang baryo. May nagmungkahi na iangkop ang pangalan sa hanay ng mga bahay na parang titik "L". Ang iba naman ay "Pinaglantikan". Sa wakas ay ipinasyang "Lantic" ang ibigay na pangalan.

Baro Milagrosa - ang may pitong ektaryang lupa na timog-kanluran ng kabayanan ay amg makasaysayang Baryo Milagrosa. Ang dakong ito ay dating bahagi ng malawak na lupain ng mga Yaptinchay ng Binan, Laguna. Sa pagkaunawa ng mga naninirahan na ang asyenda ay bahagi ng Carmona noon 1935. Ang mga tao ay magsimulang magsikap maibalik ang pagmamay-ari sa mamamayang Carmona. Bumuo sila ng organisasyong tinawag ng "Samahang Pagkakataon Na" sa ilalim ng pamumuno ng noo'y Alkalde Marciano Mapanoo. Maraming pagtutuos ang naganap na halos ay nakadama ng pagkabigo ang samahan. Subalit ang mga mamamayan ay may matibay na paninindigan. Noon 1938 sa pangunguna ni Alkalde Mapanoo at G. Juan Alumia, kasama ang may tatlong trak na mamamayan, nagtungo sila sa Malakanyang upang iparating sa Pangulong Quezon ang kanilang kahilingan. Pinag-aralang mabuti ang kanilang iniluluhog ng pangulo at minsan pa'y napatunayan niya ang pakakaroon ng katarungang panlipunan. Pagkalipas ng ikalawang digmaan pandaigdig, ang lupa ay pinaghati-hati at ipinagkaloob sa mga walang lupa. Pinangalan ang lugar na ito na "Milagrosa", spapagkat ang pagkakabalik sa taong bayan ng lupain ay isang Milagro.

Baryo Mabuhay - panahong Commonwealth natatag ang Baryo Bagong Bayan (dating pangalang ng Mabuhay). Pitong pamilya ang nagsimulang manirahan dito sa kanlurang bahagi ng Carmona.

     Noon 1938, ang panlalawigang lansangang tumatahak sa baryong ito patungong Silang ay nayari na siyang nagpaunlad sa pamumuhay ng mga tao. Ito ang gumanyak sa mga taga karatig baryo na lumikas sa dakong ito. Karamihan sa mga naninirahan ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagsasaka sa bukid at sa kalapit na burol. Pagkatapos ng digmaan ang konseho munisipal ay binago ang pangalan ng baryo at tinawag na "Baryo Mabuhay" na ang ibig sabihin ay bagong buhay sa kaunlaran.